Isinulat ni: Eisa "Rene" Saturno-Batallones
Jubail Da'awah and Guidance Center
Jubail City, Kingdom of Saudi Arabia
August 6, 2007
Ang lahat ng papupuri at pagluluwalhati ay tangi lamang kay Allah (SWT), hinihigi ko ang gabay at pagpapala at ang Kanyang kapatawaran, ako ay nagpapakupkop sa Kanya mula sa kahinaan ng aking kaluluwa at mula sa mga gawang pagkakamali, Ang sinumang ginabayan ni Allah (SWT) ay walang makapagliligaw at ang sinumang napaligaw ay walang sinuman ang makapaggagabay.
Ako ay sumasaksi na walang dapat sambahin liban sa Kanya at ay ako sumasaksi na si Muhammad ((صلى الله عليه وسلم ang huling sugo, nawa ang pagpapala ng Nag-iisang Diyos – si Allah (SWT) ay mapasakanya sampu ng kanyang mga pamilya, mga sahaba, tabiyeen at sa lahat ng mga taong pumupuri at lumuluwalhati sa kadakilaan ng Nag-iisang Tagapaglikha.
Libong taon na ang nakakaraan ng unang isinigaw ng mga Muslim ang PAKIKIBAKA o ang tinatawag sa wikang Arabe na JIHAD naging isa ito sa natatanging pagsamba tungo kay Allah ng mga taong naniniwala sa Kanyang kaisahan.
Sa kasalukuyang panahon iniiwasan…kung hindi man ni ayaw salingin sa mga pagtitipon…para bang may takot na dala sa dibdib ng bawat isa kapag pinag-uusapan. Dahil baka mabansagan siyang isang terorista kung siya ay
magsasagawa ng JIHAD…mali mga kapatid sapagkat kung ang nasa sa iyong isipan na ikaw ay makikipaglaban at iyong isisigaw ang salitang ALLAHU'AKBAR sabay putok ng baril…iba na ito… tapos hindi malinaw sa iyo kung ano ang iyong ipinaglalaban…ito ang katakutan mo.
Sa linguistikong pagbibigay kahulugan, ang JIHAD na salitang Arabe ay may katumbas sa salitang tagalog na PAGPUPUNYAGI O PAGSISIKAP o PAKIKIBAKA. Ito ay tumutukoy sa lahat nang itinataguyod ng kahit sinuman.
Sa ganitong kahulugan, ang isang mag-aaral ay nagsisikap at nagpupunyagi na makakuha ng magandang edukasyon at sumailalim siya sa pagsusulit sa lahat ng kurso upang makapasa siya. Ang isang kawani ay nagsisikap na magampanan ang naka-atas na tungkulin sa kanyang pinaglilingkurang kawanihan at nagpupunyagi na mapanatili ang magandang ugnayan sa loob ng kanyang pinagta-trabahuhan. Ang isang politiko ay nagsisikap na mapanatili o mapaunlad pa ang kanyang popularidad sa kanyang nasasakupan upang maipagpatuloy ang naumpisahang paglilingkuran subalit kailangan na ito ay tapat at walang pagmamalabis sa kanyang tungkulin.
Katulad ng pagkakasabi ni Allah (SWT) ang Tangi at Nag-iisang Diyos sa Kanyang Banal na Qur'an:
"At Aming ipinagtagubilin sa tao na naging mabuti at masunurin sa kanyang magulang, datapuwa't kung sila ay magsikhay na ikaw ay (pilitin) na mag-akibat sa Akin sa pagsamba (bilang katambal), na rito ay wala kang kasalanan, kung gayon, sila ay huwang ninyong sundin. Kayong lahat ay magbabalik sa Akin at ipagsasaysay ko sa inyo ang inyong ginagawa" (Al-Ankabut 29:8)
Gayon din sinabi ni Allah (SWT) sa Banal na Qur'an:
"Datapuwa't kung sila (magulang) ay magpumilit upang ikaw ay magtambal ng iba pa sa pagsamba sa Akin sa mga bagay na wala kayong kaalaman; sila ay huwag ninyong sundin, at maging mabait kayo sa kanila sa mundong ito, at sundin ninyo ang landas ng sinumang nagbabalik-loob sa Akin sa pagsisi. Sa katapusan, ang hantungan ninyong lahat ay sa Akin, at sa inyo ay Aking ipagtuturing ang inyong ginawa." (Luqman: 31:15)
Ang mga pagpapahayag na ito na nagmula sa Qur'an, ang mga magulang na hindi Muslim ay magpupumilit na ibalik ang kanilang mga anak na yumakap sa relihiyong Islam na maibalik sila sa dati nilang relihiyon. Kaya't ang sinuman na nagtataglay ng mahinang Eeman hindi mahirap sa kanila na talikuran ang yinakap ng relihiyon. Kaya nga mga kapatid lagi naming kayong kinukumbinse na palagiang dumalo sa mga Lecture at pag-aaral upang mapalakas natin ang ating Eeman, pero ang iba parang bingi…maraming dahilan…tandaan natin kapag ginusto ng isang tao walang dahilan pero kapag ayaw… napakaraming dahilan.
Sa mga Kanluraning Bansa, ang salitang JIHAD ay isinalin nila sa pangkalahatang kahulugan nito na HOLY WAR, na naging palasak na sa ganitong pagkakakilanlan. Dahil narin sa paggamit ng mga pamamaraan sa pagpapahayag tulad ng radyo, telebisyon at maging sa mga dyaro, naisakatuparan na maikintal sa isipan ng mga tao ang maling konsepto hinggil sa JIHAD.
Ayon sa Islamikong Katuruan; HINDI KABANALAN NA MAG-ISIP NI MAGSIMULA NG DIGMAAN. Magkagayon man, ang mga digmaan ay nagaganap dahil sa hindi na ito maiwasan o minsan ito ay kinakailangan dahil sa hinihinging katarungan at dala ng pagkakataon. Sa kapahintulutan ni Allah (SWT).
Kung ating isasalin ang salitang "HOLY WAR" pabalik sa salitang Arabe ay ating malalaman na ang salitang ito ay "HARBUN MUQADDASATU" at kung atin namang isasalin ang salitang "THE HOLY WAR" , ito ay AL-HARBU AL-MUQADDASATU". Sa puntong ito, atin ngayong hamunin ang sinuman sa mga mananaliksik, maging ang mga pantas na hanapin sa Banal na Qur'an, na kung ang kahulugan nga ng JIHAD ay HOLY WAR o maging sa mga napatunayang mga kalipunan ng HADITH o maging sa mga naunang Islamikong mga kasulatan na ito nga ang nais ipakahulugan ng salitang ito.
Ang nakakalungkot nga lamang sa atin, ang ibang mga Muslim na manunulat at mamamahayag at ang mga tagapagsalin ng mga salita…ng Qur'an at sa iba pang pang-Islamikong kapahayagan ay ginawang isalin ang kahulugan ng JIHAD sa HOLY WAR. Ito ay sanhi na kanilang pakikialam at mga maling propaganda laban sa Islam. Ito ay ating masasalamin sa naunang Kristiyano na gumamit ng salitang HOLY WAR sa kanilang mga Krusada na isinagawa na rin laban sa relihiyong Islam, isang libong taon na rin ang nakalilipas. Magkagayon man, sa kabilang banda, ang salitang Arabe na "HARB" o "QITAL" na ating makikita sa Banal na Qur'an at gayon din sa mga Haddith ng Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم ay may katumbas sa salitang tagalog na DIGMAAN.
Para sa mga Muslim ang salitang JIHAD ay tumutukoy sa lahat ng anyo ng pagsisikap at pagpupunyagi na sa paglipas ng panahon ito ay naging malalim, malawak at naging makulay. Ang pinagmulan ng ganitong pag-sulong sa kahulugan ng JIHAD ay ang Banal na Qur'an – ang huling kapahayagan ng Diyos sa Kanyang huling Propeta na si Muhammad ((صلى الله عليه وسلم.
Ang salitang JIHAD ay ginamit ng Qur'an at ng mga Haddith sa iba't-ibang mga talata nito, sa iba't-ibang nais ipakahulugan nito ay nagtataglay nang malawak na saklaw sa relihiyong Islam.
Ang PAGKILALA SA DAKILANG LUMIKHA AT PAGMAMAHAL SA KANYA NG HIGIT SA LAHAT ay isang Jihad.
Isang likas na kalagayan ng sangkatauhan ang magmahal ng mga bagay na kanyang nakikita at nadadama kaysa sa hindi niya nakikita at hindi niya nadadama. Ang lumikha ng lahat sa santinakpan pati na ang nilalaman nito ay ang natatangi at Nag-iisang Tunay na Diyos – si Allah (SWT). Siya ang katotohanang hindi natin nakikita. Kaya ang tao ay nagkakaroon ng kasiipan nang pagsasawalang-bahala o pagdududa at kadalasan ay hindi na pinagtutuunan ng pansin. At ang Qur'an ay tumutukoy sa mga taong may pananampalataya sa mga kapahayagan gaya nang nasasaad sa Sura Tawba 9:23-24
"O kayong nagsisisampalataya! Huwag ninyong tangkilikin bilang auliya (tagapagtaguyod at tagapagtangkilik) ang inyong ama at ang inyong mga kapatid kung kanilang higit na pinahahalagahan ang kawalan ng pananalig kaysa sa pananampalataya. At sinuman sa inyo ang tumangkilik sa kanila, kung gayon, siya ay isa sa Zalimun (mapaggawa ng kamalian, buktot, buhong). Ipagbadya: "Kung ang inyong ama, ang inyong mga anak, ang inyong mga kapatid, ang inyong mga asawa, ang inyong mga kamag-anak; ang kayamanan na inyong kinita, ang mga kalakal na pinangangambahan ninyo ang pagkalugi; at sa mga tahanan na labis ninyong kinagigiliwan ay higit na mahalaga sa inyo kaysa kay Allah at sa Kanyang Sugo, at ang pakikipaglaban sa Kanyang Kapakanan; kung gayon, kayo ay maghintay hanggang sa ibaba ni Allah ang Kanyang Kapasyahan (pagpaparusa). At si Allah ay hindi namamatnubay sa mga tao na Al-Fasiqun (mga mapaghimagsik, palasuway kay Allah)
Katotohanan nga na ang pagmamahal kay Allah (SWT) ng higit sa ating mga mahal sa buhay, sa ating mga kayamanan at sa lahat ng ating nais sa sanlibutan at sa ating buhay ay isang JIHAD o pagpupunyagi dito sa mundo. Lalo na sa mga hindi Muslim na niyakap ang Islam, ito ay isang napakalaking JIHAD o pagpupunyagi dahil sa mga pagtuligsa sa kanya ng kanyang pamilya, kaibigan at maging ang lipunang kanyang ginagalawan at ang iba ay humantong sa pagtatakwil sa kanya ng mga mahal niya sa buhay.
Ang KATATAGAN MULA SA PAGTULIGSA NG MAGULANG, KAIBIGAN AT NG LIPUNANG KANYANG GINAGALAWAN ay isang Jihad
Kapag ang isang tao ay nagdesisyon na kilalanin, tanggapin at mahalin niya ang Dakilang Tagapaglikha ng higit sa lahat, kadalasan ay nakadadanas siya ng mga pagsubok at pagtuligsa. Hindi madali ang maging matatag sa ganoong mga kalagayan, kaya nga kailangan ang JIHAD o PAGSISIKAP na manatili ang matibay na pananalig at pagmamahal kay Allah (SWT) ng higit sa lahat.
Winika ni Allah sa Banal na Qur'an:
"Kayat huwag mong sundin ang hindi sumasampalataya, at magsikhay kayo laban sa kanila sa pamamagitan nito (Qur'an) ng isang malaking pagsisikap" (Al-Furqan 25:52)
Ang PANANATILI SA TUWID NA LANDAS NG MAY KATATAGAN ay isang Jihad.
Maging matatag ka aking kapatid…itapak mo ang iyong mga paa sa lupa ng solidong tapak upang ito ang magsilbing tukod na hindi ka bumagsak at magkamali ng patutunguhan. Sapagkat sa isa mong pagkakamali baka ito ang umpisa ng iyong pagkalas sa tamang daang iyong nasumpungan.
"At magsumikap (makipaglaban) nang tapat tungo sa Kapakanan (ng Relihiyon) ni Allah. Kayo ay hinirang Niya (upang iparating ang Kanyang Mensahe), at hindi Niya iginawad sa inyo sa relihiyon ang anumang kahirapan. (Ito ang) relihiyon ng inyong amang si Abraham (ang Islam). Siya si Allah ang nagbigay sa inyo ng katawagang Muslim, na magkatulad maging noon at maging ngayon, upang ang Sugo (na si Muhammad) ay maging saksi sa inyo at kayo ay maging saksi sa sangkatauhan! Kaya't magsipag-alay kayo ng Salah (takdang panalangin) nang ganap at mahinusay, magkaloob ng Zakah (katungkulang kawanggawa) at manangan nang mahigpit kay Allah (ng may pagtitiwala sa Kanya na ang lahat ng bagay ay nasa Kanyang paghahawak). Siya ang inyong Maula (Patron, Panginoon), at gaano (Siya) Kainam na Maula, tunay ngang Siya ay Kapuri-puring tagalingap!" (Al-Hajj 22:78)
"At sinuman ang magsikap (makipaglaban para sa kapakanan ni Allah), ito ay ginawa niya para sa kanyang sarili. Katotohanang si Allah ay Malaya sa anumang pangangailangan mula sa Kanyang mga nilalang." (Al-Ankabut 29:6)
At para doon sa nagpupunyagi at nagsisikap na mabuhay bilang isang tunay na Muslim sa kabila ng kahirapan na dulot ng pag-uusig at pang-gigipit ng mga kalaban sa pananampalataya, sila ay pinapayuhan na lumikas sa ibang lugar na may kapayapaan at may pagbibigayan, na kung saan ay kanilang maipagpapatuloy ang pagsasagawa ng kanilang pananampalataya ng may pagpupunyagi at pagsisikap alang-alang kay Allah (SWT).
"Katotohanan, ang mga nagsisisampalataya at mga nagsilikas (dahilan sa Relihiyon ni Allah, ang Islam) na nakipaglaban alang-alang sa Landas (Kapakanan) ni Allah, sila ay mayroon pag-asa ng Habag ni Allah; at si Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain". (Al-Baqara 2:218)
Katotohanan na susubukan ni Allah (SWT) ang Kanyang mga lingkod kung hanggang saan ang kanilang pananampalataya at kanilang katatagan sa Deen ng Islam.
"Napag-aakala ba ninyo na kayo ay makakapasok sa Paraiso na hindi kayo dadanas nang pagsubok mula kay Allah, ang sinuman sa inyo na nakipaglaban (sa Kanyang Kapakanan) at (gayundin) ay Kanyang masubukan sila na nananatiling matiyaga?" (Al-Imran 3:142)
"At katiyakang kayo ay Aming susubukan sa mga bagay na tulad ng pangamba at pagkagutom, (ang ilan) ay pagkalugi sa hanapbuhay o pagkawala ng kayamanan, pagkawala ng buhay, at (pagkawala) ng bungangkahoy na inyong pinaghirapan), datapuwa't magbigay ng magandang balita sa mga matimtiman sa pagbabata o nagpakatatag". (Al Baqara 2:155)
Kung kaya sa tuwing tayo ay makakadanas ng malaking pagsubok mula kay Allah palagian nating sabihin ang katagang "Innallillahi wa inna illayhi raji'oon"
Kung ating gugunitain ang kasaysayan ng Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم siya, sampu ng kanyang mga kasamahan kabilang na ang kanyang mga Sahaba ay hindi tinangkilik ng kanilang mga kababayan sa Makkah noong kapanahunan nila. Sa loob ng tatlong taon sila ay dumanas nang matinding panunuligsa at pag-alipusta sa kanilang lipunan upang gipitin sila na maipalagananp ang mensahe ng Islam. Subalit sila ay naghawakan nang mahigpit sa pananampalatayang Islam at nagpakatatag at ngayon ay ating makikita ang sosyal at moral na tagumpay nito.
Kakayanin kaya natin ngayon, kung nasa ganito tayong pangyayari at pagkakataon? Hindi kaya ang iba sa atin ay tumakbong papalayo at iwanan ang ilan na nakikipaglaban kahit pa ang kanyang relihiyong Islam at ang Diyos na sinasamba na si Allah ay inaalipusta, yinuyurakan?
Ang PAGPUPUNYAGI PARA SA MABUTING GAWA ay isang Jihad
Iyong bang napag-alaman na ang mabuting gawa ay isang pagpupunyagi sa daan ni Allah noong ikaw ay nasa kabilang pananampalataya? At sa mga oras na ito, na iyo nang nalaman, ipagsasawalang bahala mo ba ang iyong narinig, ngingiti ka na lamang at magpahanggang sa ngayon (paglabas sa kuwartong ito) ay mayroon ka pang pag-aalinlangan.
Sinabi ni Allah: "At sila na nagpupunyagi (nakikibaka) sa Aming Kapakanan, katiyakan sila ay gagabayan Namin tungo sa Aming Landas; sapagkat katotohanang si Allah ay kasama (kakampi) ng mga gumagawa ng kabutihan at katuwiran". (Al-Ankabut 29:69)
At kung tayo ay haharap sa pagpili ng mabuti para sa atin, ang pagpili ng kung ano ang tama, ito ay nagiging isang pagsisikap para sa atin. Katulad halimbawa sa hadith ng Propeta ((صلى الله عليه وسلم:
Si Aisha (RA) na asawa ng Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم ay nagtanong: "Ya rasulullah ((صلى الله عليه وسلم aming nakita na ang JIHAD ang pinakamabuti sa lahat ng gawain, hindi ba dapat na kami din ay sumama dito? Ang Propeta ((صلى الله عليه وسلم ay sumagot: Subalit ang pinakamahusay na JIHAD ay ang ganap na Hajj". (Sahih al-Bukhari # 2784)
Sa isang pagkakataon naman ay may isang lalaki ang nagtanong sa Sugo ni Allah ((صلى الله عليه وسلم: "Dapat ba akong sumama sa JIHAD? Ang Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم ay nagtanong: "Mayroon ka bang mga magulang?" Ang lalaki ay sumagot: "Mayroon po!" Ang Propeta ((صلى الله عليه وسلم ay nagsabi: "Kung ganoon ay magpunyagi ka o magsikap ka para paglingkuran sila". (Sahih Al-Bukhari #5972)
Isang napakalaking gantimpala ang naghihintay sa iyo aking kapatid…sino na ba sa atin ang nakarinig ng panayam ng isang Sheik na tumukoy hinggil sa pagmamahal sa kanyang magulang? Sino sa atin ang na antig ang damdamin sa paglalahad nito at sino sa atin ang hindi tinalaban nang napakagandang paglalahad sa iba't-ibang uri ng pagtrato sa kanyang ina. Ang ating ina na nagdala sa atin ng siyam na buwan sa ating sinapupunan.
Napakanda ng mensahe ng awiting ANAK (ni Freddie Aguilar) na kung ating dadamhin ang bawat mensahe ay makikita mo ang pagmamahal ng iyong magulang noong ikaw ay sanggol pa lamang. Subalit nasaan ka na ngayon, naaalala mo pa ba sila?
At may isa pang tao ang nagtanong sa Propeta: "Anong uri ng Jihad ang mabuti?" Sumagot ang Propeta ((صلى الله عليه وسلم "Ang mabuting Jihad, ay ang mga pangungusap ng katotohanan sa harap ng isang malupit na namumuno". (Sunan Al Nasi # 4209)
Nagsabi pa ang Propeta ((صلى الله عليه وسلم: "Ang MUJAHID (ang tao na galing sa Jihad) ay tao na nagsisikap at nagpupunyagi laban sa kanyang sarili alang-alang kay Allah (SWT), at ang MUHAJIR (ang tao na lumikas) ay ang tao na iniwan ang masamang gawain at kasalanan". (Sahih Ibn Hibban # 4862)
Tinalikdan na po ba natin ang mga masasamang gawain ngayon isang gananp na tayong Muslim...o patuloy parin po tayo sa paggawa ng mga KABIRA. Gising mga kapatid ko at ipamuhay natin ang JIHAD sa ating mga puso.
Ang PAGKAKAROON NG TIBAY NG LOOB AT KATATAGAN SA PAGPAPAHAYAG NG MENSAHE NG ISLAM ay isang Jihad
Alam mo na bang lubusan ang iyong relihiyon, kaya mo na ba itong ipagtanggol sa harap ng mga taong tumutuligsa dito. Kaya mo na bang makipagtalakayan ng mahinahon at naaayon sa hinihingi ng Qur'an at Haddith ng Propeta Mohammad ((صلى الله عليه وسلم? O hanggang sa ngayon ay kapos ka pa sa kaalaman sa pagkat binalewala mo ang mga araw na nagdaan at hindi mo ito pinagtuunan ng pansin at masusing pinag-aralan. Gaano katatag ang iyong dibdib, ang iyong loob, gaano ka katapang upang ipagsigawan mo ang relihiyon mo ay Islam at ikaw ay isang Muslim? O kimi kang sabihin at pabulong na sasagutin kung sakaling may magtanong sa iyo na kung ano ang iyong relihiyon, sasabihin mo ng pabulong Muslim ako. Papaano mo ipapahayag ang mensahe ng Islam kung walang kang tibay ng loob at katatagang magpahayag ng katotohanan?
Ang Qur'an ay nagsasalaysay ng mga kaaranasan ng maraming Propeta at mga mabubuting tao na nag-pasan ng hirap at pagtitiis maipahayag lamang ang mensahe ng Islam sa sangkatauhan. Upang ito ang ating maging basehan na makibaka tungo sa Islam. Ang mga halimbawa nito ay ating makikita sa mga kapahayagan sa Surah Ashuraa 26:1-90 at Sura Yasin. 36:13-32.
Ganoon din naman, higit na pinapurihan ni Allah ang mga tao na nagsisikap at nagpapakasakit sa pagpapahayag ng Kanyang mensahe.
"Sino kaya baga ang higit na mabuti sa pagsasalita maliban sa kanya na nananawagan (sa mga tao) tungkol kay Allah, at gumagawa ng kabutihan at nagsasabi: "Ako ay isa sa mga Muslim (na sumusuko kay Allah)". (Fussilat 41:33)
Sa mga panahon ng mga kagipitan at pagsubok ang isang mananampalataya ay nangangailangan ng malaking tibay ng loob at katatagan upang manatili siya na Muslim, gayon din sa pagsasabi na siya ay isang Muslim at nananawagan sa ibang tao para ipahayag ang Islam.
Mababasa ang ganito sa isa pang pagpapahayag ng Banal na Qur'an:
"Ang mga sumasampalataya ay sila lamang na nananalig kay Allah at sa Kanyang Sugo, at hindi nagkaroon ng anumang pag-aalinlangan sa pasimula pa, bagkus ay nagpupunyagi (nakikibaka) na kasama ang kanilang mga ari-arian at ang kanilang buhay tungo sa kapakanan ni Allah. Sila nga, sila ang matatapat". (Hujarat 49:15)
Ang PAGTATANGGOL SA ISLAM AT SA KANYANG PAMAYANAN ay isang Jihad
Mas may hihigit pa bang Jihad sa ginawa ng mga Sahaba? Jihad tungo sa landas ni Allah na kakikitaan ng pagmamalasakit na ipagtanggol ang Islam sa mapang-aping lipi ng Quraysh. Sa kasalukuyang panahon na laganap ang idoletriya, pagsamba sa mga rebulot at nilikha ni Allah (SWT) alin ang mabisang Jihad. Nasubukan mo na bang ipagtanggol ang Islam sa mga Kafir?
Si Allah (SWT) ay nagpahayag ng ganito sa Banal na Qur'an:
"Ang kapahintulutan upang makipaglaban ay iginawad sa kanila (ang mga sumasampalataya laban sa mga hindi sumasampalataya), na kumakalaban sa kanila, (at) dahilan sa sila (na mga sumasampalataya) ay ginawan ng kamalian, at katotohanang si Allah ay makapagkakaloob sa kanila (mga sumasampalataya) ng tagumpay. Sila na itinaboy sa kanilang mga tahanan ng walang katarungan sapagkat sila ay nagtatanggol sa karapatan (at sa kadahilanan) na sila ay nagsabi ng "Ang aming Panginoon ay si Allah." (Al Hajj 22:39-40)
Ipinahintulot sa Qur'an ang pakikipaglaban upang ipangtanggol ang relihiyong Islam at ang mga karapatan ng mga Muslim. Napapaloob sa kapahintulutang ito ang pakikipaglaban para sa pagtatanggol sa sarili at sa proteksyon sa pamilya at ari-arian. Ang mga naunang mga Muslim ay nakikipaglaban sa napakaraming digmaan sa kanilang mga kalaban sa ilalim ng pamumuno ng Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم o di kaya ay ng kanyang kinatawan. Halimbawa: ng ang mga paganong Quraysh ay nagdala ng malaking hukbo laban sa Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم, ang mga Muslim ay nakikipaglaban upang ipaglaban at upang ipagtanggol ang pananampalatayang Islam at ng kanilang bayan.
At sinabi pa ni Allah (SWT) sa Banal na Qur'an:
"At makipaglaban kayo alang-alang sa Landas (Relihiyon, Kapakanan) ni Allah sa kanila na nakikipaglaban sa inyo, datapuwa't huwag ninyong labagin ang mga hangganan, sapagkat si Allah ay hindi nagmamahal sa mga nagmamalabis (sa pagsuway) hangganan. At sila (na mga Mushrik; mapagsamba sa mga diyus-diyosan) ay inyong labanan hanggang sa mapaalis ang Fitnah (Shirk; kawalan ng pananalig at pagsamba sa iba maliban pa kay Allah) at ang lahat ng uri ng pagsamba ay matuon lamang kay Allah. Datapuwa't kung sila ay maglubay (sa pakikipaglaban sa iyo), huwag hayaang magkaroon ng paglalaban at paglabag maliban sa Zalimun (mga tampalasan, mapagsamba sa diyus-diyosan, mapaggawa ng kamalian)." (Al-Baqara 2:190 at 193)
Ang PAGTULONG SA MGA KAALYADO MGA TAO BAGAMAT SILA AY HINDI MGA MUSLIM ay isang Jihad
Noong mga huling yugto ng buhay ng Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم ang tribu ng Banu Khuza-ah ay naging ka-alyado ng mga Muslim. Sila ay naninirahan malapit sa Makkah sa ilalim ng pamumuno ng paganong Quraysh. Ang kinabibilangang tribo ni Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم.
Ang tribu naman ng Banu Bakr, na ka-alyado din naman ng mga Quraysh, ay nilusob ang Banu Khuza-ah na sumira sa kasunduang pangkapayapaan noon. Ang tribo ng Banu Khuza-ah ay humingi ng saklolo sa Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم para parusahan ang tribo ng Banu Bakr at ang mga Quraysh. Ang Propeta ((صلى الله عليه وسلم ay bumuo ng isang malaking kampanya laban sa mga Quraysh ng Makkah. Na ang naging resulta nito ay ang mapayapang pagsuko ng mga Quraysh sa Makkah hanggang sa ito ay makuha muli ng Propeta ((صلى الله عليه وسلم.
Ang PAG-AALIS NG MGA MAPANGANIB NA TAO MULA SA KAPANGYARIHAN ay isang Jihad
Napakaraming tao ang sakim sa kapangyarihan, sila yaong walang inatupag kundi ang pagmalabisan ang kanilang nasasakupan at humihiga sa karangyaan, kahit pa ang kanyang nasasakupan ay nagdadahop, sila ay walang paki-alam sa mga paghihirap ng taong nagluklok sa kanya sa puwestong kanyang kinalalagyan. Kung kaya hindi iminumungkahi sa isang Muslim ang manungkulan sa gobyerno ng mga kafir sapagkat ang batas na kanilang ipinatutupad ay batas ng tao at hindi batas ng Shari'ah – Ang Qur'an.
Si Allah (SWT) ay nag-utos sa mga Muslim na nasasaad sa Qur'an:
"At kung kayo ay natatakot mula sa panganib mula sa alin mang grupo na kayo ay may kasunduan, ibalik mo sa kanila ang inyong napagkasunduan upang sa ganoon ay pantay na kayo ng katayuan. Hindi minamahal ni Allah ang mga taksil at ang mga mapanganib". (Al-Anfal 8:58)
Ang Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم ay nagsagawa ng hindi mabilang na sandatahang kampanya para alisin lamang ang mga malupit at mapagsamantalang mga pinuno at nagsisilbing panganib sa ibang grupo. Siya din ay gumawa ng mga kasunduang pangkapayapaan sa iba't-ibang grupo, subalit kung mapatunayan niya na ang mga ito ay may masamang binabalak, siya ay maglulunsad kaagad ng sandatahang kampanya laban sa kanila. Para mawala ang mga panganib at kataksilan sa loob at labas ng Madina.
Ang PAGTATANGGOL SA PAMAMAGITAN NG UNANG PAGKILOS UPANG ALISIN ANG PANGANIB AT MASAMANG BINABALAK ay isang Jihad
Isang katotohanan na mahirap magbuo ng sandatahang lakas upang lumaban gayong wala namang nakikitang panganib sa kanilang nasasakupan. Ang mga naatasan ng mga katungkulan at responsibilidad para sa kapayapaan, ay maykakayahang makita o maamoy ang panganib bago pa ito dumating at ito ay kaya niyang pamahalaan. Ang Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم ay naatasan ng ganitong mga tungkulin na ipagtanggol niya at bigyan ng kasiguraduhan ang kanyang lipunan at ang kanilang relihiyon na itinatag sa Arabia. Kapag siya ay nakatanggap ng ulat mula sa kanyang espiya tungkol sa kanyang mga kalaban na may mga masamang binabalak, ang Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم na mismo ang nagsasagawa ng mga unang hakbang nang pakikibaka laban sa kanila upang sirain ang kanilang kapangyarihan upang malansag ang mga hukbo nito.
Si Allah (SWT) ay nag-utos sa mga Muslim at ito ay nasasaad sa Banal na Qur'an:
"Ang JIHAD ay ipinag-utos sa inyo bagamat ito ay ayaw mo. Subalit ito ay magaganap, na ang mga bagay na inaayawan mo ay ang mga bagay na mabuti para sa iyo, at magaganap din na ang mga bagay na minamahal mo ay ang mga bagay na masama para sa iyo. At si Allah ang higit na nakaka-alam at ito ay hindi ninyo nalalaman". (Al-Baqara 2:216)
Ang PAGPAPALAYA SA MGA TAO MULA SA KAAPIHAN ay isang Jihad
Si Allah (SWT) ay nagtanong sa mga Muslim ng ganito na nasasaad sa Banal na Qur'an:
"At ano ba ang pumipigil sa inyo na kayo ay hindi makipaglaban para sa kapakanan ni Allah, at sila na mahihina ang mga pinakikitunguhan nang masama at inaalipusta sa lipon ng kalalakihan, kababaihan at mga bata, na ang panambitan ay: "Aming Panginoon! Kami ay iligtas Ninyo sa bayang ito na ang mga tao ay mapang-api; at Inyong ipagkaloob sa amin mula sa Inyo ang isang makapangangalaga (tagapagtangkilik), at Inyong ipagkaloob sa amin mula sa Inyo ang isang makakatulong". (An-Nisa 4:75)
Ang isa sa layunin ng Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم ay ang palayain ang mga tao mula sa kaapihan at pagsasamantala nang malupit na sistema ng lipunan. Kapag may kalayaan; ang mga tao sa lipunan ay may kalayaan din na piliin ang Islam ng walang pamimilit o 'di kaya ay huwag niya itong tanggapin. Ang mga sumunod na Khalifa ng Propeta Muhammad ((صلى الله عليه وسلم ay nagpatuloy din ng ganitong gawain na tumulong sa mga naaapi at nangangailangan. Isang halimbawa nito: Pagkatapos ng maraming panawagan ng mga naaaping mamayan ng Espanya sa mga Muslim, ang Espanya ay napalaya ng mga hukbo ng mga Muslim at ang malupit na namumuno ng Espanya ay napaalis.
Matapos na makuha na muli ng mga Muslim ang Syria at Iraq ang mga Kristiyanong populasyon ng Hims ay nagpahayag ng ganito: "Nagustuhan namin ang paraan nang inyong pamamahala sa amin at ang paraan nang katarungan ng Islam ay higit na mabuti kaysa sa mapang-api at mapagmalabis na pamamaraan ng dating pamunuan".
Ang mga napaalis na namumuno sa Syria ay ang Romano Kristiyano at ang napaalis naman sa Iraq ay ang namumunong Zoroastrianismo ng mga Persiano.
ANO NGAYON ANG DAPAT GAWIN NG MGA MUSLIM KAPAG SILA AY NAGTATAGUMPAY
Ang mga Muslim ay dapat na mag-alis ng mga pang-aapi, ng panganib at ng kataksilan, ng mga pag-uusig at kamang-mangan at palitan nila ito ng katarungan at pagkakapantay-pantay. Dapat tayong magbigay ng makatotohanang kaalaman at palayain ang mga tao sa pagkaka-tali sa mga pagtatambal sa pananampalataya at pagkakaroon ng maraming diyus-diyosan, ng mga pamimili, sa mga pamahiin at mga alamat. Ang Muslim ay dapat na mag-alis ng imoralidad, ng takot, ng krimenalidad at mga pagsasamantala at palitan ito ng sagradong moralidad, kapayapaan at katarungan.
At si Allah (SWT) ay nagpahayag ng ganito sa Banal na Qur'an:
"Katotohanang si Allah ay nag-utos sa inyo na inyong ibalik ang pagtitiwala sa kaninuman na nag-mamay-ari nito at kung kayo ay humatol sa pag-itan ng mga tao, kayo ay humatol ng may katarungan. Katotohanan, tunay namang napakainam ng aral na ibinigay Niya sa inyo! Katotohanang si Allah ay Lagi nang Nakakarinig, ang Ganap na Nagmamasid". (An-Nisas 4:58)
"O kayong nagsisisampalataya! Manindigan kayo nang matatag kay Allah at maging makatarungang saksi at huwag hayaan na ang galit at pagkamuhi ng mga iba ay makagawa sa inyo na umiwas sa katarungan. Maging makatarungan (kayo): ito ay higit na malapit sa kabanalan at pangambahan si Allah. Katotohanang si Allah ay Ganap na Nakakabatid ng anumang inyong ginagawa". (Al-Ma'idah 5:8)
"At sa lipon niyaong aming nilikha ay isang pamayanan na namamatnubay (sa mga iba) sa pamamagitan ng katotohanan, at mula (rin) dito ay nagtitinding ng katarungan". (Al-Araf 7:181)
"Katotohanan si Allah ay nagtagubilin ng katarungan at mabuting asal (mabuting pag-uugali), at pagbibigay (ng tulong) sa mga kamag-anak at nagbawal ng Al Fasha (lahat ng mga masasamang gawa, katulad ng bawal na pakikipagtalik pagsuway sa magulang, pagsamba sa mga diyus-diyosan, kawalan ng pananalig) at Al-Munkar (lahat ng bawal sa batas ng Islam) at Al Baghi (lahat ng uri ng pagmamaliit at pang-aapi) ay Kanyang pinaaalalahanan kayo, upang kayo ay makaalala (makinig at sumunod) (An-Nahl 16:90)
Sila (na mga Muslim), na kung sila ay aming pagkakalooban ng kapangyarihan sa kalupaan (sila) ay nag-uutos sa Salah (takdang pagdarasal ng mahinusay), at pagbabayad ng Zakat (takdang tulong na pangkawanggawa) at sila ay nag-aanyaya sa Maruf (sa kaisahan ni Allah, sa Islam at sa lahat ng ipinag-uutos nito) at nagbabawal sa Munkar (paganismo, kawalan ng pananampalataya at lahat ng ipinagbabawal sa Islam). At kay Allah nakasalalay ang kahihinatnan (kasasapitan) ng lahat ng mga pangyayari. (Al-Hajj 22:41)
NGAYON AY ATING MAITATANONG: ANG ISLAM BA AY LUMAGANAP SA PAMAMAGITAN NG KARAHASAN, NG TABAK O NG BARIL?
Ang sagot dito ay may katiyakan at ng may kababaang loob na HINDI
ANO BA ANG DAHILAN KUNG BAKIT LAGANAP SA KASALUKUYANG PANAHON ANG RELIHIYONG KRISTIYANISMO?
Hindi ba, ang ating mga ninuno ay pinagpapatay upang talikdan ang relihiyon Islam at pilit pinayakap ang dalang KRUS at si Kristo ay kabahagi ng Diyos, hanggang sa dumating ang pangkasalukuyang panahon na si Jesus ang naging diyos na kanilang sinasamba?
"Walang pamimilit sa relihiyon...Katotohanang ang Tamang Landas ay naiiba sa maling landas...Sinuman ang hindi manampalataya sa Taghut (mga diyus-diyosan, imahe, idolo, anupamang sinasamba maliban pa kay Allah (SWT) tulad ng anghel, banal na tao, propeta, satanas, bato, libingan, Hesus anak ni Maria, krus, atbp.) at manalig kay Allah (SWT) ay nakasakmal ng tunay na mapagkakatiwalaang tangan na hindi masisira. At si Allah (SWT) ang Nakakarinig at Nakababatid ng lahat ng bagay.
Ang Islam ay hindi nagtuturo ni ang mga Muslim ay nagnanais na akitin ang tao sa Islam sa pamamagitan ng pananakot ng pansariling kasakiman, o karahasan.
Ngayon ay ating napatunayan na ang JIHAD sa Islam ay PAGSISIKAP AT PAGPUPUNYAGI SA DAAN NI ALLAH (SWT) sa pamamagitan ng mga panulat, ng ating dila, ng ating mga kamay at ng iba pang mga pamamaraan ng pamamahayag at kung kinakailangan at hindi na maiwasan ay sa pamamagitan ng sandata. Subalit ang JIHAD sa Islam ay hindi kasama doon ang mga pagsisikap at pagpupunyagi para sa pansarili lamang sa kapakanan o kapangyarihan at kadakilaan.
Si Abu Umamah ay nagsabi na ang Propeta Muhammmad ay nagpahayag ng ganito: "Ang sinuman ang magmahal alang-alang kay Allah (SWT), nagbigay alang-alang kay Allah (SWT), at nag-tiis alang-alang kay Allah (SWT) ay tunay na naging ganap at lubos ang kanyang Eeman (pananampalataya) (Abu Dawood at Tirmidhi)
Ashadu annla Illaha illa anta wa astagfiruka watu bulaik. Ahabbakufillah… (Minamahal ko kayo ng Dahil kay Allah [SWT]). Assalam alaykum wa rahmatulahi wa barakatu!
